Read The Bible

expand_more
expand_more

16

Ang mga Utos ni Yahweh kay Jeremias

1Muling nagsalita sa akin si Yahweh at ang sabi,

2“Huwag kang mag-aasawa o kaya'y magkakaanak sa lupaing ito.

3Sasabihin ko sa iyo ang mangyayari sa mga anak na isisilang dito, gayundin sa kanilang mga magulang:

4Mamamatay sila dahil sa nakamamatay na karamdaman, at walang tatangis o maglilibing sa kanila. Ang kanilang mga bangkay ay parang basurang matatambak sa lupa. Sila'y mapapatay sa digmaan o mamamatay sa matinding gutom, at kakainin ng mga buwitre at mababangis na hayop ang kanilang mga bangkay.

5“Huwag kang papasok sa alinmang bahay na may patay. Huwag mo ring ipagdadalamhati ang pagkamatay ninuman. Sapagkat inalis ko na sa aking bayan ang kapayapaan; hindi na ako magpapakita sa kanila ng pag-ibig at kahabagan.

6Mayaman at dukha'y mamamatay sa lupaing ito; hindi sila ililibing o iiyakan man. Walang taong susugat sa sarili o mag-aahit ng ulo bilang tanda ng pagdadalamhati.

7Wala nang sasalo sa naulila upang aliwin ito. Wala nang makikiramay sa namatayan, kahit pa ama o ina ang namatay.

8“Huwag kang papasok sa bahay na nagdaraos ng isang malaking pista. Huwag ka ring sasalo sa kanilang kainan at inuman.

9Ako si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel. Pakinggan mo ang aking sasabihin: Sasalantain ko ang lugar na ito. Hindi na maririnig pa ang mga himig ng kagalakan at katuwaan. Hindi na maririnig ang masasayang tinig ng mga ikakasal. Ang kaganapan ng mga bagay na ito'y masasaksihan ng mga narito.

10“At kapag sinabi mo sa kanila ang lahat ng ito, itatanong nila sa iyo kung bakit ko sila pinaparusahan nang gayon. Itatanong nila kung anong kasalanan ang nagawa nila laban sa akin na kanilang Diyos.

11Sabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ni Yahweh: Ang inyong mga ninuno ay tumalikod sa akin; sumamba at naglingkod sila sa mga diyus-diyosan. Itinakwil nila ako at hindi sinunod ang aking mga utos.

12Ngunit higit na masama ang ginawa ninyo kaysa ginawa ng inyong mga ninuno. Kayong lahat ay matitigas ang ulo, masasama, at hindi sumusunod sa akin.

Ang Pagbabalik Mula sa Pagkatapon

13Dahil dito, ipapatapon ko kayo sa isang bayang hindi ninyo alam maging ng inyong mga ninuno. Doo'y maglilingkod kayo sa ibang diyos araw at gabi, at hindi ko kayo kahahabagan.’”

14“Darating ang panahon,” sabi ni Yahweh, “na wala nang manunumpa nang ganito, ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy na nagpalaya sa Israel mula sa Egipto!’

Ang Darating na Kaparusahan

15Sa halip, ang sasabihin nila'y, ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy na nagpalaya sa Israel mula sa lupain sa hilaga, at mula sa iba't ibang bansang pinagtapunan sa kanila.’ Ibabalik ko sila sa sarili nilang bayan, ang lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno. Akong si Yahweh ang nagsasalita.”

16“Magpapadala ako ng maraming mangingisda upang hulihin ang mga taong ito na gaya ng isda. Magsusugo rin ako ng maraming mangangaso upang hanapin sila sa bawat bundok at burol, pati sa mga guwang ng mga bato. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.

17Nakikita ko ang lahat ng ginagawa nila. Walang anumang maitatago sa akin; hindi mawawala sa aking paningin ang kanilang mga kasalanan.

Ang Panalangin ng Pagtitiwala ni Jeremias kay Yahweh

18Magbabayad sila nang makalawang beses sa kanilang mga kasalanan at kasamaan sapagkat nilapastangan nila ang aking lupain sa pamamagitan ng pagsamba sa mga diyus-diyosang walang buhay at kasuklam-suklam na gawain.”

19O Yahweh, ikaw ang aking lakas at tanggulan; ang aking takbuhan sa oras ng kagipitan. Sa iyo magsisilapit ang mga bansa mula sa kadulu-duluhan ng daigdig at kanilang sasabihin, “Ang mga diyos ng aming mga ninuno'y pawang bulaan at walang kabuluhan.

20Maaari bang gumawa ng sarili nilang diyos ang mga tao? Hindi! Kung gagawa sila, hindi ito maaaring maging tunay na diyos.”

21“Kaya nga magmula ngayon,” sabi ni Yahweh, “ipapaalam ko sa lahat ng bansa ang aking kapangyarihan at lakas, at makikilala nilang ako nga si Yahweh.”

Tungkol sa JEREMIAS Kabanata 16

Ang kabanatang ito ay naglalaman ng 21 talata mula sa aklat ng JEREMIAS sa pagsasalin ng Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05). Maaari mong basahin, pag-aralan, at tuklasin ang buong teksto ng kabanatang ito online.

Ang aklat ng JEREMIAS ay isang mahalagang bahagi ng Bibliya, na nag-aalok ng mahalagang mga aral at pananaw. Ang kabanata 16 ay nagbibigay ng mahalagang konteksto para sa pag-unawa sa mas malawak na salaysay at mensahe ng aklat ng Bibliya na ito.

Tuklasin ang higit pang mga kabanata at matuklasan ang walang hanggang karunungan ng Bibliya online sa BibleOfVerse.com.

Spiritful Bible App icon

Bible App Basahin ang Bibliya, Kahit Kailan at Kahit Saan

Download Spiritful on Google PlayDownload Spiritful on App Store