Read The Bible

expand_more
expand_more

1

Nanalangin si Nehemias Para sa Jerusalem

1Ito ang kasaysayan ng mga nagawa ni Nehemias na anak ni Hacalias. Noon ay ikasiyam na buwan, ng ikadalawampung taon ng paghahari ni Artaxerxes. Akong si Nehemias ay nasa Lunsod ng Susa, ang kabiserang lunsod,

2nang dumating ang kapatid kong si Hanani, kasama ang isang pangkat ng mga lalaki mula sa Juda. Kinumusta ko sila tungkol sa Jerusalem at sa mga Judiong nagbalik sa Juda mula sa pagkabihag sa Babilonia.

3Sumagot sila, “Kawawa naman sila roon. Hinahamak at nilalait ng mga dayuhang nakatira malapit doon.” Sinabi nila na wasak pa ang mga pader ng Jerusalem at ang mga pintuan ng lunsod ay hindi pa nagagawa mula nang sunugin iyon.

4Nang marinig ko ito, naupo ako at napaiyak. Ilang araw akong nagdalamhati at nag-ayuno. Nanalangin ako ng ganito sa Diyos ng kalangitan:

5“O Yahweh, Diyos ng kalangitan, kayo ay dakila at nanginginig kami sa takot sa inyong presensya. Matapat ninyong tinutupad ang inyong tipan at wagas na pag-ibig sa mga nagmamahal sa inyo at tumutupad ng inyong mga utos.

6Pagmasdan ninyo ako at pakinggan ang aking panalangin. Nananalangin ako sa inyo araw at gabi para sa bayang Israel na inyong lingkod. Inaamin ko pong nagkasala kami sa inyo, ako at ang aking mga ninuno.

7Napakabigat ng aming kasalanan sa inyo! Hindi namin sinunod ang inyong Kautusan. Nilabag namin ang mga tuntuning ibinigay ninyo sa amin sa pamamagitan ng inyong lingkod na si Moises.

8Sinabi ninyo kay Moises, ‘Kung kayong mga Israelita ay tatalikod sa akin, ikakalat ko kayo sa iba't ibang mga bansa.

9Subalit kung manunumbalik kayo at tutupad sa aking mga utos, mapadpad man kayo sa pinakamalalayong lugar, titipunin ko kayong muli sa lupaing aking pinili upang sambahin ako roon.’

10Sila ang inyong mga lingkod at ang inyong bayan na tinubos sa pamamagitan ng inyong dakilang kapangyarihan at lakas.

Pumunta si Nehemias sa Jerusalem

11O Panginoon, pakinggan ninyo ang panalangin ko, at ng iba pang lingkod ninyo na nagnanais magparangal sa inyo. Pagtagumpayin po ninyo ako ngayon at loobin po ninyong kahabagan ako ng hari.” Nang panahong iyon, ako ang namamahala sa mga inumin ng hari.

Tungkol sa NEHEMIAS Kabanata 1

Ang kabanatang ito ay naglalaman ng 11 talata mula sa aklat ng NEHEMIAS sa pagsasalin ng Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05). Maaari mong basahin, pag-aralan, at tuklasin ang buong teksto ng kabanatang ito online.

Ang aklat ng NEHEMIAS ay isang mahalagang bahagi ng Bibliya, na nag-aalok ng mahalagang mga aral at pananaw. Ang kabanata 1 ay nagbibigay ng mahalagang konteksto para sa pag-unawa sa mas malawak na salaysay at mensahe ng aklat ng Bibliya na ito.

Tuklasin ang higit pang mga kabanata at matuklasan ang walang hanggang karunungan ng Bibliya online sa BibleOfVerse.com.

Spiritful Bible App icon

Bible App Basahin ang Bibliya, Kahit Kailan at Kahit Saan

Download Spiritful on Google PlayDownload Spiritful on App Store