Read The Bible

expand_more
expand_more

38

Panalangin ng Taong Nagdaranas ng Hirap

1Yahweh, huwag mo po akong kagalitan! O kung galit ka ma'y huwag pong parusahan.

2Ang iyong palaso'y tumama sa akin; at iyong mga kamay, hinampas sa akin.

3Ako'y nilalagnat dahil sa iyong galit; dahil sa sala ko ako'y nagkasakit.

4Ako'y nalulunod sa taglay kong sala, sa dinami-rami ay para nang baha; mabigat na lubha itong aking dala.

5Malabis ang paglala nitong aking sugat, dahil ginawa ko ang hindi nararapat;

6Wasak at kuba na ang aking katawan; sa buong maghapo'y puspos ng kalungkutan.

7Dumapong lagnat ko'y apoy na sa init, lumulubhang lalo ang taglay kong sakit.

8Ako'y nanghihina at nanlulupaypay, puso'y dumaraing sa sakit na taglay.

9O Yahweh, hangad ko'y iyong nababatid; ang mga daing ko'y iyong dinirinig.

10Ang aking puso ay mabilis ang tibok, ang taglay kong lakas, pumapanaw na halos; ningning ng mata ko'y pawa nang naubos.

11Mga kaibiga't mga kapitbahay ay nagsisilayo, ayaw nang dumalaw dahil sa sugat ko sa aking katawan; lumalayo pati aking sambahayan.

12Silang nagnanais na ako'y patayin, nag-umang ng bitag upang ako'y dakpin; ang may bantang ako'y saktan at wasakin, maghapon kung sila'y mag-abang sa akin.

13Para akong bingi na di makarinig, at para ring pipi na di makaimik;

14sa pagsasanggalang ay walang masabi, walang marinig katulad ng isang bingi.

15Ngunit saiyo, Yahweh, ako'y may tiwala, aking Diyos, ika'y tiyak na tutugon.

16Aking panalangin, iyong pakinggan, itong mga hambog, huwag mong hayaan, sa aking kabiguan, sila'y magtawanan.

17Sa pakiramdam ko, ako'y mabubuwal, mahapdi't makirot ang aking katawan.

18Aking ihahayag ang kasalanan ko, mga kasalanang sa aki'y gumugulo.

19Mga kaaway ko'y malakas, masigla; wala mang dahila'y namumuhi sila.

20Ang ganting masama ang sukli sa akin, dahil sa hangad kong buhay ko'y tuwirin.

21Panginoong Yahweh, huwag akong iiwan; maawaing Diyos, huwag akong layuan;

22aking Panginoon, aking kaligtasan, iyo ngang dalian, ako ay tulungan!

Tungkol sa MGA AWIT Kabanata 38

Ang kabanatang ito ay naglalaman ng 22 talata mula sa aklat ng MGA AWIT sa pagsasalin ng Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05). Maaari mong basahin, pag-aralan, at tuklasin ang buong teksto ng kabanatang ito online.

Ang aklat ng MGA AWIT ay isang mahalagang bahagi ng Bibliya, na nag-aalok ng mahalagang mga aral at pananaw. Ang kabanata 38 ay nagbibigay ng mahalagang konteksto para sa pag-unawa sa mas malawak na salaysay at mensahe ng aklat ng Bibliya na ito.

Tuklasin ang higit pang mga kabanata at matuklasan ang walang hanggang karunungan ng Bibliya online sa BibleOfVerse.com.

Spiritful Bible App icon

Bible App Basahin ang Bibliya, Kahit Kailan at Kahit Saan

Download Spiritful on Google PlayDownload Spiritful on App Store