Read The Bible

expand_more
expand_more

45

Awit sa Maharlikang Kasalan

1Kay gagandang pangungusap ang naroon sa isipan, habang aking hinahabi ang awit sa haring mahal; ang katulad ng dila ko ay panulat ng maalam, panulat ng dalubhasang sumulat ng kasaysayan.

2Sa lahat nga ng nilikha, makisig kang hindi hamak, kapag nagtatalumpati'y pambihira kung mangusap; ikaw nga ay pinagpala ng Diyos sa tut'wina.

3O ikaw na haring bantog, isakbat mo ang sandata; sagisag mo'y maharlika, malakas nga't dakila ka!

4Maglakbay kang mayro'ng dangal tinataglay ang tagumpay, alang-alang sa matuwid, ipagtanggol ang katuwiran; tagumpay ay matatamo sa lakas mong tinataglay.

5Palaso mo'y matatalim, pumapatay ng kaaway; susuko ang mga bansa at sa iyo'y magpupugay.

6Iyang tronong tinanggap mo na kaloob ng Diyos, isang tronong magtatagal at hindi na matatapos; matuwid kang maghahari sa bansa mong nasasakop.

7Katarunga'y iyong mahal, sa masama'y namumuhi; kaya naman ang iyong Diyos, tanging ikaw ang pinili; higit sa sinumang hari, kagalakang tanging-tangi.

8Sa damit mo'y nalalanghap, tatlong uri ng pabango, mira, aloe saka kasia na buhat sa ibang dako; inaaliw ka ng tugtog sa garing na palasyo mo.

9O kay gagandang prinsesa ang katulong na dalaga, samantalang sa kanan mo, nakatayo yaong reyna, palamuti'y gintong lantay sa damit na suot niya.

10O kabiyak nitong hari, ang payo ko'y ulinigin; ang lahat mong kamag-anak at ang madla ay limutin.

11Sa taglay mong kagandahan ang hari ang paibigin; siya'y iyong Panginoon, marapat na iyong sundin.

12Yaong mga taga-Tiro, handog nila ay dadalhin, pati mga mayayaman sa iyo ay susuyo rin.

13Ang prinsesa sa palasyo'y pagmasdan mo't anong ganda; sinulid na gintung-ginto ang hinabing damit niya.

14Sa magara niyang damit, sa hari ay pinapunta, mga abay ay kasama, haharap sa hari nila.

15Sama-samang masasaya, ang lahat ay nagagalak nagsipasok sa palasyo, kanyang hari ay hinanap.

16Darami ang iyong supling, sa daigdig maghahari, kapalit ng ninuno mo sa sinundang mga lahi.

17Dahilan sa aking awit, ikaw nama'y dadakila, kailanma'y pupurihin nitong lahat na nilikha!

Tungkol sa MGA AWIT Kabanata 45

Ang kabanatang ito ay naglalaman ng 17 talata mula sa aklat ng MGA AWIT sa pagsasalin ng Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05). Maaari mong basahin, pag-aralan, at tuklasin ang buong teksto ng kabanatang ito online.

Ang aklat ng MGA AWIT ay isang mahalagang bahagi ng Bibliya, na nag-aalok ng mahalagang mga aral at pananaw. Ang kabanata 45 ay nagbibigay ng mahalagang konteksto para sa pag-unawa sa mas malawak na salaysay at mensahe ng aklat ng Bibliya na ito.

Tuklasin ang higit pang mga kabanata at matuklasan ang walang hanggang karunungan ng Bibliya online sa BibleOfVerse.com.

Spiritful Bible App icon

Bible App Basahin ang Bibliya, Kahit Kailan at Kahit Saan

Download Spiritful on Google PlayDownload Spiritful on App Store