Read The Bible

expand_more
expand_more

49

Kahangalan ang Magtiwala sa Kayamanan

1Bawat isa ay makinig, makinig ang sino pa man, kahit saan naroroon ay makinig ang nilalang!

2Kahit ikaw ay dakila o hamak ang iyong lagay, makinig na sama-sama ang mahirap at mayaman.

3Itong aking sasabihi'y salitang may karunungan, ang isipang ihahayag, mahalagang mga bagay;

4Ang pansin ko ay itutuon sa bugtong na kasabihan, sa saliw ng aking alpa'y ihahayag ko ang laman.

5Hindi ako natatakot sa panahon ng panganib, kahit pa nga naglipana ang kaaway sa paligid—

6mga taong naghahambog, sa yaman ay nananalig, dahilan sa yaman nila'y tumaas ang pag-iisip.

7Hindi kaya ng sinumang ang sarili ay matubos, hindi kayang mabayara't tubusin sa kamay ng Diyos.

8Ang bayad sa kanyang buhay ay halagang sakdal taas; gaano man ang halagang hawak niya'y hindi sapat

9upang siya ay mabuhay nang hindi na magwawakas at sa labi ng libingan ay hindi na mapasadlak.

10Alam naman niyang lahat ay mamamatay, kasama ang marunong, maging mangmang o hangal; sa lahing magmamana, yaman nila'y maiiwan.

11Doon sila mananahan sa libingan kailanpaman, kahit sila'y may lupaing pag-aari nilang tunay;

12maging sikat man ang tao, hinding-hindi maiwasan katulad din noong hayop, tiyak siyang mamamatay.

13Masdan ninyo yaong taong nagtiwala sa sarili, at sa kanyang kayamanan ay nanghawak na mabuti: (Selah)

14Tulad niya'y mga tupa, sa patayan din hahantong, itong si Kamatayan ang kanyang magiging pastol. Ang matuwid, magwawagi kapag sumapit ang umaga, laban doon sa kaaway na ang bangkay ay bulok na sa daigdig ng mga patay, na malayo sa kanila.

15Ngunit ako'y ililigtas, hindi ako babayaan, aagawin ako ng Diyos sa kamay ng kamatayan. (Selah)

16Di ka dapat mabagabag, ang tao man ay yumaman, lumago man nang lumago yaong kanyang kabuhayan;

17hindi ito madadala kapag siya ay namatay, ang yaman ay hindi niya madadala sa libingan.

18At kahit na masiyahan ang tao sa kanyang buhay, dahilan sa sinusuob ng papuri't nagtagumpay;

19katulad ng ninuno niya, siya rin ay mamamatay, masasadlak pa rin siya sa dilim na walang hanggan.

20Ang tao mang dumakila ay iisa ang hantungan, katulad ng mga hayop, tiyak siyang mamamatay!

Tungkol sa MGA AWIT Kabanata 49

Ang kabanatang ito ay naglalaman ng 20 talata mula sa aklat ng MGA AWIT sa pagsasalin ng Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05). Maaari mong basahin, pag-aralan, at tuklasin ang buong teksto ng kabanatang ito online.

Ang aklat ng MGA AWIT ay isang mahalagang bahagi ng Bibliya, na nag-aalok ng mahalagang mga aral at pananaw. Ang kabanata 49 ay nagbibigay ng mahalagang konteksto para sa pag-unawa sa mas malawak na salaysay at mensahe ng aklat ng Bibliya na ito.

Tuklasin ang higit pang mga kabanata at matuklasan ang walang hanggang karunungan ng Bibliya online sa BibleOfVerse.com.

Spiritful Bible App icon

Bible App Basahin ang Bibliya, Kahit Kailan at Kahit Saan

Download Spiritful on Google PlayDownload Spiritful on App Store