Read The Bible

expand_more
expand_more

66

Awit ng Pagpupuri at Pasasalamat

1Sumigaw sa galak ang mga nilalang!

2At purihin ang Diyos na may kagalakan; wagas na papuri sa kanya'y ibigay! Awitan siya't luwalhatiin siya!

3Ito ang sabihin sa Diyos na Dakila: “Ang mga gawa mo ay kahanga-hanga; yuyuko sa takot ang mga kaaway, dahilan sa taglay mong kapangyarihan.

4Ang lahat sa lupa ika'y sinasamba, awit ng papuri yaong kinakanta; ang iyong pangala'y pinupuri nila.” (Selah)

5Ang ginawa ng Diyos, lapit at pagmasdan, ang kahanga-hangang ginawa sa tanan.

6Naging tuyong lupa kahit na karagatan, mga ninuno nati'y doon dumaan; doo'y naramdaman labis na kagalakan.

7Makapangyarihang hari kailanman, siya'y nagmamasid magpakailanman; kaya huwag magtatangkang sa kanya'y lumaban. (Selah)

8Ang lahat ng bansa'y magpuri sa Diyos, inyong iparinig papuring malugod.

9Iningatan niya tayong pawang buháy, di tayo bumagsak, di niya binayaan!

10O Diyos, sinubok mo ang iyong mga hirang, sinubok mo kami upang dumalisay; at tulad ng pilak, kami'y idinarang.

11Iyong binayaang mahulog sa bitag, at pinagdala mo kami nang mabigat.

12Sa mga kaaway ipinaubaya, sinubok mo kami sa apoy at baha, bago mo dinala sa dakong payapa.

13Ako'y maghahandog sa banal mong templo ng aking pangako na handog sa iyo.

14Pati pangako ko, nang may suliranin, ay ibibigay ko, sa iyo dadalhin.

15Natatanging handog ang iaalay ko; susunuging tupa, kambing, saka toro, mababangong samyo, halimuyak nito. (Selah)

16Lapit at makinig, ang nagpaparangal sa Diyos, at sa inyo'y aking isasaysay ang kanyang ginawang mga kabutihan.

17Ako ay tumawag, sa Diyos ay nagpuri, kanyang karangalan, aking sinasabi.

18Kung sa kasalanan ako'y magpatuloy, di sana ako dininig ng ating Panginoon.

19Ngunit tunay akong dininig ng Diyos, sa aking dalangin, ako ay sinagot.

20Purihin ang Diyos! Siya'y papurihan, pagkat ang daing ko'y kanyang pinakinggan, at ang pag-ibig niya sa aki'y walang katapusan.

Tungkol sa MGA AWIT Kabanata 66

Ang kabanatang ito ay naglalaman ng 20 talata mula sa aklat ng MGA AWIT sa pagsasalin ng Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05). Maaari mong basahin, pag-aralan, at tuklasin ang buong teksto ng kabanatang ito online.

Ang aklat ng MGA AWIT ay isang mahalagang bahagi ng Bibliya, na nag-aalok ng mahalagang mga aral at pananaw. Ang kabanata 66 ay nagbibigay ng mahalagang konteksto para sa pag-unawa sa mas malawak na salaysay at mensahe ng aklat ng Bibliya na ito.

Tuklasin ang higit pang mga kabanata at matuklasan ang walang hanggang karunungan ng Bibliya online sa BibleOfVerse.com.

Spiritful Bible App icon

Bible App Basahin ang Bibliya, Kahit Kailan at Kahit Saan

Download Spiritful on Google PlayDownload Spiritful on App Store