Read The Bible

expand_more
expand_more

88

Panalangin ng Paghingi ng Tulong

1Yahweh, aking Diyos, tanging ikaw lamang, aking kaligtasan, pagsapit ng gabi, dumudulog ako sa iyong harapan.

2Ako ay dinggin mo, sa pagdalangin ko ako ay pakinggan, sa aking pagdaing ako ay tulungan.

3Ang kaluluwa ko ay nababahala't puspos ng problema. Dahilan sa hirap pakiwari'y buhay ko'y umiiksi na.

4Ibinilang ako, niyong malapit nang sa hukay ilagak, ang aking katulad ay mahina na't ubos na ang lakas.

5Ang katulad ko pa ay ang iniwanan sa gitna ng patay, animo'y nasawi na nananahimik sa kanyang libingan. Tulad na rin ako nitong mga tao na iyong nilimot, parang mga tao na sa iyong tulong ay hindi maabot.

6Dinala mo ako sa may kadilimang hukay na malalim, na tulad ng libingan na ubod ng dilim.

7Ikaw ay nagalit, at ang bigat nito'y sa akin nabunton, ang katulad ko'y tinabunan ng malaking alon. (Selah)

8Mga kasama ko'y hinayaan mo na ako ay iwan, hinayaan silang mamuhi sa aki't ako'y katakutan, kaya hindi ako makatakas ngayo't pintua'y nasarhan.

9Dahilan sa lungkot, ang aking paningi'y waring lumalamlam, kaya naman, Yahweh, tumatawag ako sa iyo araw-araw, sa pagdalangin ko ay taas ang kamay.

10Makakagawa ba ikaw, Panginoon, ng kababalaghan, para purihin ka niyong mga patay? (Selah)

11Ang pag-ibig mo ba doon sa libinga'y ipinapahayag, o sa kaharian niyong mga patay ang iyong pagtatapat?

12Doon ba sa dilim ang dakilang gawa mo ba'y makikita, o iyong kabutihan, sa mga lupaing tila nalimot na?

13Sa iyo, O Yahweh, ako'y nananangis at nananawagan, sa tuwing umaga ako'y tumatawag sa iyong harapan.

14Di mo ako pansin, Yahweh, aking Diyos, di ka kumikibo. Bakit ang mukha mo'y ikinukubli mo, ika'y nagtatago?

15Mula pagkabata ako'y nagtiis na, halos ikamatay; ang iyong parusa'y siyang nagpahina sa aking katawan.

16Sa aking sarili, tindi ng galit mo'y aking nadarama, ako'y mamamatay kundi ka hihinto ng pagpaparusa.

17Parang baha sila kung sumasalakay sa aking paligid, sa buong maghapon kinukubkob ako sa lahat ng panig.

18Iyong pinalayo mga kaibigan pati kapitbahay; ang tanging natira na aking kasama ay ang kadiliman.

Tungkol sa MGA AWIT Kabanata 88

Ang kabanatang ito ay naglalaman ng 18 talata mula sa aklat ng MGA AWIT sa pagsasalin ng Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05). Maaari mong basahin, pag-aralan, at tuklasin ang buong teksto ng kabanatang ito online.

Ang aklat ng MGA AWIT ay isang mahalagang bahagi ng Bibliya, na nag-aalok ng mahalagang mga aral at pananaw. Ang kabanata 88 ay nagbibigay ng mahalagang konteksto para sa pag-unawa sa mas malawak na salaysay at mensahe ng aklat ng Bibliya na ito.

Tuklasin ang higit pang mga kabanata at matuklasan ang walang hanggang karunungan ng Bibliya online sa BibleOfVerse.com.

Spiritful Bible App icon

Bible App Basahin ang Bibliya, Kahit Kailan at Kahit Saan

Download Spiritful on Google PlayDownload Spiritful on App Store