Read The Bible

expand_more
expand_more

94

Diyos ang Siyang Huhusga sa Lahat

1Karapatang magparusa, O Yahweh, ay taglay mo, ipakita mo ngayon ang karapatang ganito;

2Tumayo ka at sa lupa'y igawad ang iyong hatol, ang hambog ay hatulan mo ng parusang nauukol.

3Hanggang kailan kaya, Yahweh, magagalak ang masama? Hanggang kailan ibabantog ang kanilang mga gawa?

4Gaano bang katagal pa ang masama'y maghahambog, upang sila'y magmalaki sa kanilang gawang buktot?

5Kanila ngang nililipol itong mga hinirang mo, Yahweh, inaapi nila mga taong tinubos mo.

6Ang mga ulila, balo't mamamayan ng ibang bansa, pinapatay nila ito at kanilang pinupuksa.

7Madalas na sinasabi, “Hindi kami pansin ni Yahweh, hindi kami nakikita ni pansin ng Diyos ni Jacob.”

8Unawain ninyo, bayan, kayong kulang ang isipan; hanggang kailan pa durunong kayong mga taong mangmang?

9Itong Diyos na lumikha nitong ating mata't tainga, akala ba ninyo'y bingi at ni hindi makakita?

10Sa lahat ng mga bansa di ba siya ang hahatol? Di ba siya'ng guro nila pagkat siya ang marunong?

11Batid ni Yahweh mga plano nating baluktot, katulad lang ng hininga, madaling malagot.

12Mapalad ang mga taong tumatanggap ng pangaral, silang sa iyo'y tumatanggap ng turo sa kautusan.

13Pagkat sila'y magdaranas ng kapahingahan, hanggang yaong masasama'y mahulog sa kanilang hukay.

14Mga lingkod ni Yahweh ay hindi niya iiwanan, itong mga hirang niya'y hindi niya tatalikdan;

15mababalik sa matuwid ang ganap na katarungan, diwang ito ang susundin ng tapat ang pamumuhay.

16Sino kaya'ng kakampi ko sa pagbaka sa masama? Sino ngayon ang babaka sa masama nilang gawa?

17O Yahweh, kung ako nga ay hindi mo tinulungan, akin sanang kaluluwa'y naroon na sa libingan.

18Kapag aking nagunitang, “Ang paa ko'y dumudulas,” dahilan sa pag-ibig mo, O Yahweh, ako'y tumatatag.

19Kapag ako ay ginugulo ng maraming suliranin, ang wagas na pag-ibig mo ang umaaliw sa akin.

20Sa iyo ba ay papanig mga hukom na masama, na ang laging kapasyaha'y ang hatol na hindi tama?

21Sama-sama silang lagi't ang matuwid ang kalaban, ang hatol sa walang sala ay hatol na kamatayan.

22Ngunit ikaw, O Yahweh, ang sa aki'y nagtatanggol. Ikaw na aking Diyos ang matibay na kanlungan.

23Sa masamang gawa nila ay Diyos ang gaganti, lilipulin niyang lahat, pagkat sila'y di mabuti; ang wawasak sa kanila ay ang Diyos na si Yahweh.

Tungkol sa MGA AWIT Kabanata 94

Ang kabanatang ito ay naglalaman ng 23 talata mula sa aklat ng MGA AWIT sa pagsasalin ng Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05). Maaari mong basahin, pag-aralan, at tuklasin ang buong teksto ng kabanatang ito online.

Ang aklat ng MGA AWIT ay isang mahalagang bahagi ng Bibliya, na nag-aalok ng mahalagang mga aral at pananaw. Ang kabanata 94 ay nagbibigay ng mahalagang konteksto para sa pag-unawa sa mas malawak na salaysay at mensahe ng aklat ng Bibliya na ito.

Tuklasin ang higit pang mga kabanata at matuklasan ang walang hanggang karunungan ng Bibliya online sa BibleOfVerse.com.

Spiritful Bible App icon

Bible App Basahin ang Bibliya, Kahit Kailan at Kahit Saan

Download Spiritful on Google PlayDownload Spiritful on App Store