Ano ang Sinabi ni Jesus Tungkol sa Pag-aalala?
Ang mismong mga salita ni Jesus tungkol sa pag-aalala at pagkabalisa, mula sa Sermon sa Bundok hanggang sa huling mga usapan niya sa mga alagad.
Masdan ninyo ang mga ibon. Hindi sila nagtatanim ni umaani man o kaya'y nagtitipon sa kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba't higit kayong mahalaga kaysa mga ibon?
Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit isang oras sa pamamagitan ng kanyang pagkabalisa?
“At bakit kayo nababalisa tungkol sa pananamit? Isipin ninyo kung paano tumutubo ang mga bulaklak sa parang; hindi sila nagtatrabaho ni gumagawa ng damit. Ngunit sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon na napakayaman ay hindi nakapagdamit ng singganda ng isa sa mga bulaklak na ito.
Kung dinaramtan ng Diyos ang damo sa parang, na buháy ngayon, at kinabukasan ay iginagatong sa kalan, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya sa kanya!
“Kaya't huwag kayong mag-alalang baka kayo kapusin sa pagkain, inumin o damit. Hindi ba't ang mga Hentil ang nababahala tungkol sa mga bagay na iyan? Alam na ng inyong Ama na nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng iyan.
Ngunit higit sa lahat ay pagsikapan ninyo na kayo'y pagharian ng Diyos at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng inyong pangangailangan.
“Kaya nga, huwag ninyong ikabalisa ang para sa araw ng bukas; dahil ang bukas ang bahala sa sarili nito. Sapat na ang inyong mga suliranin sa bawat araw.”
Tingnan ninyo ang mga uwak, hindi sila nagtatanim ni umaani man; wala rin silang bodega o kamalig; ngunit pinapakain sila ng Diyos. Higit kayong mahalaga kaysa mga ibon! Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit isang oras sa pamamagitan ng pangangamba? Kung hindi ninyo magawâ ang ganoong kaliit na bagay, bakit kayo nangangamba tungkol sa ibang mga bagay?
Kaya't huwag kayong labis na mag-isip kung saan kayo kukuha ng kakainin at iinumin. Huwag na kayong mangamba. Ang mga bagay na ito ang pinagkakaabalahan ng mga taong di nananalig sa Diyos. Alam ng inyong Ama na kailangan ninyo ang lahat ng iyan. Subalit, pagsikapan muna nang higit sa lahat na kayo'y pagharian ng Diyos, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng inyong pangangailangan.”
“Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian.
“Huwag na kayong mabalisa; sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya din kayo sa akin.
“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag na kayong mabalisa; huwag na kayong matakot.
Sinabi ko ito sa inyo upang kayo'y magkaroon ng kapayapaan sa pakikipag-isa sa akin. Magdaranas kayo ng kapighatian sa mundong ito, ngunit tibayan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan!”
“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatang lubha sa inyong pasanin, at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan. Pasanin ninyo ang aking pamatok at sundin ninyo ang aking mga itinuturo sapagkat ako'y maamo at mapagkumbabang loob. Matatagpuan ninyo sa akin ang kapahingahan sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang pasaning ibinibigay ko sa inyo.”
ngunit dahil sa alalahanin sa buhay na ito, pagkasilaw sa salapi, o kaya'y pagkahumaling sa ibang mga bagay, ang mensahe ay nawalan na ng puwang sa kanilang puso kaya't hindi ito nakapamunga.
Hindi ba't ipinagbibili sa halaga ng isang salaping tanso ang dalawang maya? Gayunman, kahit isa sa kanila'y hindi nahuhulog sa lupa kung hindi kalooban ng inyong Ama. At kayo, maging ang buhok ninyo'y bilang niyang lahat. Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.”
Bumangon si Jesus at iniutos sa hangin, “Tigil!” at sinabi sa alon, “Tumahimik ka!” Tumigil nga ang hangin at tumahimik ang lawa. Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad, “Bakit kayo natatakot? Hanggang ngayon ba'y wala pa rin kayong pananampalataya?”
“Ang katakawan, paglalasing at kabalisahan sa buhay na ito ay alisin ninyo sa inyong isip. Mag-ingat kayo at baka bigla kayong abutan ng Araw na iyon


