Ano ang Sinabi ni Jesus Tungkol sa Pagmamahal sa Kaaway?
Ang turo ni Jesus tungkol sa pagmamahal, pagpapala at paggawa ng mabuti sa mga sumasalungat sa atin, at kung paano ito isinabuhay ng unang iglesya.
“Kung ang mga nagmamahal sa inyo ang siya lamang ninyong mamahalin, anong gantimpala ang inyong maaasahan? Hindi ba't ginagawa rin iyan ng mga maniningil ng buwis? At kung ang mga kapatid lamang ninyo ang inyong binabati, ano ang ginagawa ninyong higit kaysa iba? Hindi ba't ginagawa rin iyan ng mga Hentil? Kaya maging ganap kayo, gaya ng inyong Ama na nasa langit.”
“Subalit sinasabi ko sa inyong mga nakikinig sa akin: Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gawan ng mabuti ang mga napopoot sa inyo. Pagpalain ninyo ang sumusumpa sa inyo at ipanalangin ang mga nang-aapi sa inyo.
Kapag sinampal ka sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Kapag inagaw ang iyong balabal, huwag mong ipagkait ang iyong damit. Bigyan mo ang bawat humihingi sa iyo; at kung may kumuha ng iyong ari-arian, huwag mo nang bawiin pa ang mga iyon.
Gawin ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo.
“Kung ang nagmamahal lamang sa inyo ang inyong mamahalin, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Ang mga makasalanan man ay marunong ding magmahal sa mga nagmamahal sa kanila. Kung ang mga nagmamabuti lamang sa inyo ang inyong gagawan ng mabuti, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang masasamang tao ay gumagawa rin niyan! At kung ang makakabayad lamang ang inyong pauutangin, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang masasamang tao ay nagpapautang din sa kapwa nila masama, sa pag-asang sila'y mababayaran.
Sa halip, mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti. Magpahiram kayo na hindi umaasa ng anumang kabayaran. Sa gayon, malaking gantimpala ang tatamuhin ninyo, at kayo'y magiging mga anak ng Kataas-taasang Diyos. Sapagkat siya'y mabuti kahit sa masasama at sa mga hindi marunong tumanaw ng utang na loob. Maging mahabagin kayo tulad ng inyong Ama.”
“Narinig ninyong sinabi, ‘Mata sa mata at ngipin sa ngipin.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong paghihigantihan ang masamang tao. Kung sinampal ka sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kaliwa.
Idalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo; idalangin ninyo sila at huwag sumpain.
Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama. Sikapin ninyong mamuhay nang marangal. Hangga't maaari, makisama kayo nang mapayapa sa lahat ng tao.
Mga minamahal, huwag kayong maghihiganti; ipaubaya ninyo iyon sa Diyos. Sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.” Subalit, “Kung nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo; kung nauuhaw, painumin mo; sa gayon ay magbubunton ka ng mga baga sa kanyang ulo.” Huwag kayong magpadaig sa masama, kundi daigin ninyo ng mabuti ang masama.
Kapag nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo at painumin kung siya'y nauuhaw. Sa gayo'y mailalagay mo siya sa kahihiyan at tatanggap ka pa ng gantimpala mula kay Yahweh.
Huwag ninyong gantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama. Huwag ninyong sumpain ang sumusumpa sa inyo. Sa halip, pagpalain ninyo sila dahil pinili kayo upang tumanggap ng pagpapala ng Diyos.
Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ibalik mo ang iyong tabak sa lalagyan! Ang nabubuhay sa tabak ay sa tabak mamamatay.
Huwag ninyong paghigantihan ang gumawa sa inyo ng masama; sa halip, magpatuloy kayo sa paggawa ng mabuti sa isa't isa at sa lahat.
“Kung makita ninyong nakawala ang baka o asno ng inyong kaaway, hulihin ninyo ito at dalhin sa may-ari. Kapag nakita ninyong nakabuwal ang asno ng inyong kaaway dahil sa bigat ng dala, tulungan ninyo ang may-ari upang ibangon ang hayop.


