Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Pagsisimulang Muli Matapos Mabigo?
Mga talata tungkol sa awa ng Diyos at sa ikalawang pagkakataon para sa gustong magsimulang muli matapos magkamali o dumaan sa mahirap na panahon.
Ito ang sabi niya: “Ilibing mo na sa limot, at huwag nang alalahanin pa, ang mga nangyari noong unang panahon. Masdan mo, ako ay gagawa ng isang bagong bagay; ito'y nagaganap na, hindi mo pa ba makita? Gagawa ako ng isang daanan sa gitna ng disyerto, at magkakaroon ng ilog sa lugar na ito.
Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago.
Mga kapatid, hindi ko ipinapalagay na nakamit ko na ito. Ngunit isang bagay ang ginagawa ko: nililimot ko ang nakaraan at sinisikap na marating ang layuning nais kong makamtan. Nagpapatuloy nga ako patungo sa hangganan upang makamtan ang gantimpala ng pagkatawag sa akin ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus, ang buhay na hahantong sa langit.
sapagkat siya'y makatatayong muli mabuwal man ng pitong ulit. Ngunit ang masama ay dagling nababagsak sa panahon ng kahirapan.
Mga kaaway ko, huwag kayong magalak dahil sa nangyari sa akin! Kung ako ma'y nadapa, muli akong babangon. Kung ako ma'y nasa kadiliman, tatanglawan ako ngayon ni Yahweh.
Ang gabay ng tao sa kanyang paglakad, ay itong si Yahweh, kung nais maligtas; sa gawain niya, ang Diyos nagagalak. Kahit na mabuwal, siya ay babangon, pagkat si Yahweh, sa kanya'y tutulong.
Pagkakain nila, tinanong ni Jesus si Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit sa mga ito?” “Opo, Panginoon, alam ninyong mahal ko kayo,” tugon niya. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung gayon pakainin mo ang aking mga tupa.” Muli siyang tinanong ni Jesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, alam ninyong mahal ko kayo.” Sabi ni Jesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa.” Pangatlong ulit na tinanong siya ni Jesus, “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Nalungkot si Pedro sapagkat tatlong beses siyang tinanong ng, “Mahal mo ba ako?” At sumagot siya, “Panginoon, alam po ninyo ang lahat ng bagay; alam ninyong mahal ko kayo.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pakainin mo ang aking mga tupa.
Isang pusong tapat sa aki'y likhain, bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin. Sa iyong harapa'y huwag akong alisin; iyong banal na Espiritu'y paghariin. Ang galak na dulot ng iyong pagliligtas, ibalik at ako po'y gawin mong tapat.
Subalit kung ipinapahayag natin sa Diyos ang ating mga kasalanan, maaasahan nating patatawarin tayo ng Diyos sa mga ito, at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasalanan, sapagkat siya'y tapat at matuwid.
Siya'y tumutulong sa lahat ng tao na may suliranin; at sa pagkalugmok, sa panghihina ay kanyang hahanguin.
Ibabalik ko ang lahat ng nawala sa inyo nang pinsalain ng katakut-takot na balang ang inyong mga pananim. Ako ang nagpadala ng hukbong ito laban sa inyo.
“Halikayo at tayo'y magpaliwanagan,” sabi ni Yahweh. Gaano man kapula ang inyong mga kasalanan, kayo'y aking papuputiin, tulad ng yelo o bulak.
Sa Diyos na si Yahweh, mat'yagang naghintay, ang aking panaghoy, kanyang pinakinggan; sa balong malalim na lubhang maputik, iniahon niya at doo'y inalis. Ligtas na dinala sa malaking bato, at naging panatag, taglay na buhay ko. Isang bagong awit, sa aki'y itinuro, papuri sa Diyos, ang awit ng puso; matatakot ang bawat makakasaksi, at magtitiwala sa Diyos na si Yahweh.
Kaya nga, hindi na hahatulang maparusahan ang mga taong nakipag-isa na kay Cristo Jesus.
Kapag ang ginagawa niyang palayok ay nasira, hinahalo niyang muli ang putik, at hinuhugisan nang panibago.
upang pasayahin ang mga tumatangis sa Zion, kaligayahan sa halip na bigyan ng kapighatian, awit ng kagalakan sa halip na kalungkutan; matutulad sila sa mga punong itinanim ni Yahweh, na ginagawa kung ano ang makatuwiran, at maluluwalhati ang Diyos dahil sa kanilang ginawa.
Kung ikaw ay may talaan nitong aming kasalanan, lahat kami ay tatanggap ng hatol mong nakalaan. Ngunit iyong pinatawad, kasalanan ay nilimot, pinatawad mo nga kami upang sa iyo ay matakot.
Wala nang ibang diyos na tulad mo, O Yahweh. Pinapatawad mo ang mga kasalanan ng mga nakaligtas sa bayan mong pinili. Hindi nananatili ang iyong galit magpakailanman. Sa halip ay ipinadarama mo sa kanila ang tapat mong pag-ibig. Muli mo kaming kaaawaan. Tatapakan mo ang aming mga kasalanan at ihahagis sa kalaliman ng dagat.


