Paano Inilalarawan ng Bibliya ang Langit?

Ang sinasabi ng Bibliya kung ano ang langit: ang presensya ng Diyos, wala nang luha at ang lahat ay gagawing bago.

22 talata sa Bibliya · Pinili ng BibleOfVerse

Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono, “Tingnan ninyo, ang tahanan ng Diyos ay nasa piling na ng mga tao! Maninirahan siyang kasama nila, at sila'y magiging bayan niya. Makakapiling nilang palagi ang Diyos at siya ang magiging Diyos nila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, dalamhati, pagtangis, at paghihirap sapagkat lumipas na ang dating mga bagay.”

Apocalipsis 21:3-4

Napasailalim ako sa kapangyarihan ng Espiritu, at ako'y dinala ng anghel sa ibabaw ng isang napakataas na bundok. Ipinakita niya sa akin ang Jerusalem, ang Banal na Lunsod, na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos. Nagliliwanag ito dahil sa kaluwalhatian ng Diyos; kumikislap na parang batong hiyas, gaya ng jasper, ng diamanteng sinlinaw ng kristal.

Apocalipsis 21:10-11

Perlas ang labindalawang pinto, bawat pinto ay yari sa iisang perlas. Purong ginto ang lansangan ng lunsod at kumikinang na parang kristal.

Apocalipsis 21:21

Hindi na kailangan ang araw o ang buwan upang bigyang liwanag ang lunsod, sapagkat ang kaluwalhatian ng Diyos ang nagbibigay ng liwanag doon; ang Kordero naman ang siyang ilawan.

Apocalipsis 21:23

Ipinakita rin sa akin ng anghel ang ilog ng tubig na nagbibigay-buhay. Ang tubig nito na sinlinaw ng kristal ay bumubukal mula sa trono ng Diyos at ng Kordero, at umaagos sa gitna ng lansangan ng lunsod. Sa magkabilang panig ng ilog ay may punongkahoy na nagbibigay-buhay. Ang bunga nito'y iba-iba bawat buwan, at nakapagpapagaling naman sa sakit ng mga tao ang mga dahon nito.

Apocalipsis 22:1-2

Wala roong makikitang anumang isinumpa ng Diyos. Makikita sa lunsod ang trono ng Diyos at ng Kordero, at sasambahin siya ng kanyang mga lingkod. Makikita nila ang kanyang mukha, at masusulat sa kanilang noo ang kanyang pangalan. Doo'y wala nang gabi, kaya't hindi na sila mangangailangan pa ng mga ilaw o ng liwanag ng araw, sapagkat ang Panginoong Diyos ang magiging ilaw nila, at maghahari sila magpakailanman.

Apocalipsis 22:3-5

Hindi na sila magugutom ni mauuhaw man; hindi na rin sila mabibilad sa araw ni mapapaso ng anumang matinding init, sapagkat ang Korderong nasa gitna ng trono ang magiging pastol nila. Sila'y gagabayan niya sa mga bukal ng tubig na nagbibigay-buhay, at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.”

Apocalipsis 7:16-17

Subalit tulad ng nasusulat, “Hindi pa nakikita ng mata, o naririnig ng tainga, ni hindi pa sumasagi sa isip ng tao ang mga inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kanya.”

I Mga Taga-Corinto 2:9

Alam nating kapag nasira na ang toldang tinatahanan natin ngayon, na tumutukoy sa ating katawang-lupa, tayo'y may tahanan sa langit na hindi kailanman masisira, isang tahanang ginawa ng Diyos, at hindi ng tao.

II Mga Taga-Corinto 5:1

Subalit sa kabilang dako, tayo ay mga mamamayan ng langit. Doon magmumula ang Tagapagligtas na hinihintay natin nang may pananabik, ang Panginoong Jesu-Cristo. Sa pamamagitan ng kapangyarihang ginamit niya sa pagpapasuko sa lahat ng bagay, ang ating katawang-lupa na may kahinaan ay babaguhin niya upang maging maluwalhating tulad ng kanyang katawan.

Filipos 3:20-21

Sa araw na iyon kasabay ng malakas na utos, ng tinig ng arkanghel, at ng tunog ng trumpeta ng Diyos, bababâ ang Panginoon mula sa langit. Ang mga namatay na sumasampalataya kay Cristo ay bubuhayin muna. Pagkatapos, tayo namang mga buháy pa at natitira ay titipunin sa alapaap kasama ng mga binuhay upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. Sa gayon, makakapiling natin siya magpakailanman.

I Mga Taga-Tesalonica 4:16-17

Ang sabi ni Yahweh: “Ako ay lilikha ng isang bagong lupa at bagong langit; ang mga bakas ng nakaraan ay ganap ng malilimutan.

Isaias 65:17

Sa halip, mag-impok kayo ng kayamanan sa langit; doo'y walang naninirang insekto at kalawang, at walang nakakapasok na magnanakaw.

Mateo 6:20

Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo, isasama kita ngayon sa Paraiso.”

Lucas 23:43

Ngunit ang hinahangad nila'y isang lunsod na higit na mabuti, ang lunsod na nasa langit. Kaya naman hindi ikinahiya ng Diyos na siya'y tawaging Diyos nila, sapagkat sila'y ipinaghanda niya ng isang lunsod.

Mga Hebreo 11:16

Makakamit natin ang isang kayamanang di masisira, walang kapintasan, at di kukupas na inihanda ng Diyos sa langit para sa inyo.

I Pedro 1:4

“Ama, sila ay ibinigay mo sa akin at nais kong makasama sila sa kinaroroonan ko upang makita nila ang karangalang ibinigay mo sa akin, sapagkat minahal mo na ako bago pa nilikha ang daigdig.

Juan 17:24

Tumingin akong muli at narinig ko ang tinig ng milyun-milyon at libu-libong anghel. Sila'y nakapaligid sa trono, sa apat na buháy na nilalang at sa mga pinuno. Umaawit sila nang malakas, “Ang Korderong pinatay ay karapat-dapat tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan, parangal, papuri at paggalang!”

Apocalipsis 5:11-12

sa isang sandali, sa isang kisap-mata, kasabay ng huling pag-ihip ng trumpeta. Sapagkat sa pagtunog ng trumpeta, ang mga patay ay muling bubuhayin at di na muling mamamatay. Babaguhin tayong lahat. Ang ating katawang nabubulok ay mapapalitan ng hindi nabubulok, at ang katawang namamatay ay mapapalitan ng katawang hindi namamatay.

I Mga Taga-Corinto 15:52-53

Baka Magustuhan Mo Rin

Spiritful Bible App icon

Bible App Basahin ang Bibliya, Kahit Kailan at Kahit Saan

Download Spiritful on Google PlayDownload Spiritful on App Store

Basahin ang Bibliya sa loob ng isang taon