Saan sa Bibliya Makikita ang Kuwento ng Muling Pagkabuhay?

Ang paglilibing at muling pagkabuhay ni Jesus ayon sa apat na Ebanghelyo, mula sa walang lamang libingan hanggang sa pagpapakita niya sa mga alagad.

19 talata sa Bibliya · Pinili ng BibleOfVerse

Makaraan ang Araw ng Pamamahinga, sa pagbubukang-liwayway nang unang araw ng sanlinggo, lumakad si Maria Magdalena at ang isa pang Maria upang tingnan ang libingan ni Jesus. Biglang lumindol nang malakas. Bumabâ mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon, iginulong ang batong nakatakip sa libingan at umupo sa ibabaw niyon.

Mateo 28:1-2

Ngunit sinabi ng anghel sa mga babae, “Huwag kayong matakot; alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. Wala na siya rito sapagkat siya'y muling nabuhay gaya ng kanyang sinabi. Halikayo't tingnan ninyo ang pinaglibingan sa kanya. Magmadali kayo at ibalita sa kanyang mga alagad na siya'y muling nabuhay! At papunta na siya sa Galilea. Makikita ninyo siya roon! Iyan ang balitang hatid ko sa inyo.”

Mateo 28:5-7

At dali-dali nga silang umalis sa libingan na may magkahalong takot at galak, at patakbong pumunta sa mga alagad upang ibalita ang nangyari. Ngunit sinalubong sila ni Jesus at sinabi, “Magalak kayo!” Lumapit sila sa kanya, hinawakan ang kanyang mga paa at sinamba siya. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Huwag kayong matakot! Magmadali kayo't sabihin sa mga kapatid ko na pumunta sila sa Galilea, at makikita nila ako roon!”

Mateo 28:8-10

Pagkaraan ng Araw ng Pamamahinga, si Maria Magdalena, si Maria na ina ni Santiago at si Salome ay bumili ng pabango upang sila ay magpunta sa libingan at lagyan ng pabango ang bangkay ni Jesus. Kinaumagahan ng Linggo, sa pagsikat ng araw, sila'y nagpunta sa libingan. Ngunit sila ay nagtatanungan sa isa't isa, “Sino kaya ang maaari nating mapakiusapang maggulong ng batong nakatakip sa pintuan ng libingan?” Nasabi nila iyon dahil napakalaki ng bato. Ngunit nang matanaw nila ito, nakita nilang naigulong na ang bato.

Marcos 16:1-4

At pagpasok nila sa libingan, may nakita silang isang binatang nakasuot ng mahaba at maputing damit, at nakaupo sa gawing kanan. Kaya't sila'y nagtaka. Ngunit sinabi nito sa kanila, “Huwag kayong matakot. Hinahanap ninyo si Jesus na taga-Nazaret na ipinako sa krus. Wala na siya rito; siya'y muling binuhay ng Diyos! Tingnan ninyo ang pinaglagyan sa kanya. Bumalik kayo at sabihin ninyo sa kanyang mga alagad at kay Pedro, ‘Mauuna siya sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon, gaya ng sinabi niya sa inyo.

Marcos 16:5-7

Madilim-dilim pa nang unang araw ng sanlinggo, ang mga babae ay nagbalik sa libingan, dala ang mga pabangong inihanda nila. Nang dumating sila doon, nakita nilang naigulong na ang batong nakatakip sa libingan. Ngunit nang pumasok sila, wala roon ang bangkay ng Panginoong Jesus.

Lucas 24:1-3

Dahil sa matinding takot, sila'y nagpatirapa. Tinanong sila ng mga lalaki, “Bakit ninyo hinahanap ang buháy sa lugar ng mga patay? Wala siya rito, siya'y muling nabuhay! Alalahanin ninyo ang sinabi niya sa inyo noong nasa Galilea pa siya, ‘Ang Anak ng Tao ay kailangang ipagkanulo sa mga makasalanan at ipako sa krus, at sa ikatlong araw ay muling mabubuhay.

Lucas 24:5-7

Madilim-dilim pa nang unang araw ng sanlinggo, pumunta si Maria Magdalena sa libingan. Naratnan niyang naalis na ang batong nakatakip sa pinto ng libingan. Dahil dito, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Jesus, at sinabi sa kanila, “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan siya dinala!”

Juan 20:1-2

Nang dumating si Simon Pedro, tuluy-tuloy itong pumasok sa libingan at nakita nito ang mga telang lino, at ang panyong ibinalot sa ulo ni Jesus. Ang panyo ay hindi kasama ng mga mamahaling tela, kundi hiwalay na nakatiklop sa isang tabi. Pumasok din ang alagad na naunang dumating at nakita niya ito, at siya'y naniwala.

Juan 20:6-8

Pagkasabi nito'y napalingon siya at nakita niya si Jesus na nakatayo roon, ngunit hindi niya nakilalang si Jesus iyon. Tinanong siya ni Jesus, “Babae, bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?” Akala ni Maria, ang kausap niya'y ang hardinero kaya't sinabi niya, “Ginoo, kung kayo po ang kumuha sa kanya, pakituro nga po ninyo sa akin kung saan ninyo siya dinala at kukunin ko.” “Maria!” sabi ni Jesus. Humarap siya at kanyang sinabi sa wikang Hebreo, “Raboni!” na ang ibig sabihi'y “Guro.”

Juan 20:14-16

Sabi ni Jesus, “Huwag mo akong hawakan sapagkat hindi pa ako nakakapunta sa Ama. Sa halip, pumunta ka sa aking mga kapatid at sabihin mo sa kanila na aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.” Kaya't si Maria Magdalena ay pumunta sa mga alagad at sinabi sa kanila, “Nakita ko ang Panginoon!” At sinabi rin niya sa kanila ang bilin ni Jesus.

Juan 20:17-18

Kinagabihan ng araw ng Linggo, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakasara ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Jesus at tumayo sa kalagitnaan nila. “Sumainyo ang kapayapaan!” sabi niya. Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Nang makita nila ang Panginoon, tuwang-tuwa ang mga alagad.

Juan 20:19-20

Makalipas ang isang linggo, muling nagkatipon sa loob ng bahay ang mga alagad at kasama nila si Tomas. Nakasara ang mga pinto, ngunit nakapasok si Jesus at tumayo sa kalagitnaan nila. Sinabi niya, “Sumainyo ang kapayapaan!” At sinabi niya kay Tomas, “Tingnan mo ang aking mga kamay. Ilagay mo ang iyong kamay sa aking tagiliran at huwag ka nang mag-alinlangan pa, sa halip ay maniwala ka.” Sumagot si Tomas, “Panginoon ko at Diyos ko!” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Naniniwala ka na ba dahil nakita mo ako? Mapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita.”

Juan 20:26-29

Nang siya'y kasalo na nila sa pagkain, dumampot siya ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos; pagkatapos, pinagpira-piraso iyon at ibinigay sa kanila. Noon nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila si Jesus, subalit siya'y biglang nawala sa kanilang paningin. Nasabi nila sa isa't isa, “Kaya pala nag-uumapaw ang ating pakiramdam habang tayo'y kinakausap niya sa daan at ipinapaliwanag ang mga Kasulatan!”

Lucas 24:30-32

Sapagkat ibinigay ko sa inyo itong pinakamahalagang katuruan na tinanggap ko rin: si Cristo'y namatay dahil sa ating mga kasalanan, bilang katuparan sa sinasabi sa Kasulatan; inilibing siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, ayon din sa Kasulatan; at siya'y nagpakita kay Pedro, at saka sa Labindalawa. Pagkatapos, nagpakita siya sa mahigit na limandaang kapatid na nagkakatipon. Marami sa kanila'y buháy pa hanggang ngayon, subalit patay na ang ilan.

I Mga Taga-Corinto 15:3-6

Sa loob ng apatnapung araw pagkatapos ng kanyang pagkamatay, maraming ulit siyang nagpakita sa kanila at pinatunayan niyang siya'y talagang buháy. Siya'y nagpakita sa kanila at tinuruan niya tungkol sa paghahari ng Diyos.

Ang Mga Gawa 1:3
Spiritful Bible App icon

Bible App Basahin ang Bibliya, Kahit Kailan at Kahit Saan

Download Spiritful on Google PlayDownload Spiritful on App Store

Basahin ang Bibliya sa loob ng isang taon